Monday, September 14, 2009

Sumusulat Ako Para Sa Aking Henerasyon

Para sa mga naabutan ang TV Patrol noong magkakasama pa sila Noli De Castro, Frankie Evangelista at Mel Tiangco. Noong sikat pa si Ernie Baron at ang kanyang knowledge power. Para sa mga nakaramdam ng pagtataksil ng tanggalin ang PBA updates sa balitang pampalakasan.

Iba pa ang mga balita dati, walang agenda. Purefoods ka man o Ginebra, walang personalan, ang importante ay malalaman mo ang final score at kung sino ang most valuable player. Ngayon, ni next game sa PBA di man lang mabanggit.

Para sa mga nawalan na ng gana sa balitang pangtelebisyon pero di lang matukoy kung anong insidente ang nagtulak sa kanilang tumiwalag. Yun bang pag-imbento (sandali) ng MBA kasi trip ng Channel 2 na agawin ang PBA sa IBC? Dahil ba sa Tide at pagka-tsugi ni Mel Tiangco? O dahil sa pag-iyak ni Kabayang Noli minsang nagbalita siya tungkol sa eclipse? Alin man sa tatlo – o lahat – o maaring noon ka pa walang tiwala pero dahil doon nakumpirma mong kalokohan na ang lahat.

Ang balita sa telebisyon, makulay. Puno na ito ng komento, pananaw, saloobin, reaksyon at interes na dinikdik, nilagyan ng tubig at harina, saka inihalo sa impormasyon. Nagkabuhay na ito, naging isang di maipaliwanag na nilalang na nakakagapang sa isip ng tao. Parang halimaw.

Para sa mga sabik sa responsableng pamamahayag. Para sa nag-aasam ng balitang walang labis, walang kulang, walang pandidilat ng mata, walang pagpapaliwanag, pag-iling, pagsinghal, paghikbi at pag-“tsk-tsk”. Para sa mga naghahanap ng pagkakataong makahusga ng sarili nila.

At napakasarap pa namang manghusga. Magkaroon ng sariling opinyon, makipag-debate hanggang lumabas ang litid sa leeg mo, at umuwing pagod pero kuntento kahit dehins ka panalo o talo. Napakasarap malaman kung sino ka. Walang tutumbas sa pagkakaroon ng respeto at kompyansa sa kakayanan mong mag-isip. Napakasarap magkaroon ng paniniwala.

Para sa mga pinanganak pagkatapos ideklara ang Martial Law. Para sa mga lumaking walang personal na galit o pagmamahal kay Marcos at Ninoy. Para sa mga nagkamuwang sa katayuan ng bayan sa panahong ang Gobyerno ay may sayad na. Para sa mga taong napapanisan na sa People Power.

Lumaki tayong iniisip ang pagkain at pang-matrikula, hindi ang sistema ng pamamahala ng ating bansa. Abala tayo sa paghahanap ng pagkakakitaan kaysa sa pagbabago. Kung pipilitin, mas maiintindihan natin ang poverty rate, peace and order and unemployment, kaysa sa Inflation, GDP at Constitutional Reforms – yan ay dahil mahirap tayo, marami tayong kapitbahay na tomador o magnanakaw, at halos lahat sa atin gustong mag-OFW. Masakit mang sabihin, pero hirap tayong ibigin ang Pinas.


Kasi napakahirap naman talaga niyang mahalin. Mausok siya, maingay, maraming away, makakalimutin, masikip, madamot, malupit at maraming problema. Hindi pa niya ipinakita ang ganda niya sa atin at tila ba pagkakaitan na niya tayo habangbuhay.

Para sa hindi pa naramdamang magkaroon ng Bayang mamahalin at pagbabagong papaniwalaan. Nasa ilalim ka ng tatsulok ni Bamboo at para bang nagyelo na ang inspirasyon sa iyo. Gusto ko lang sabihin na, hindi ka nag-iisa. Andito rin ako – nagtatanong kung pano isasaing ng mga magsasaka ang "stocks" nila sa Hacienda Luisita? Kung bakit senador sina Lito Lapid at Trillanes? Kung bakit ang pinakasikat na trabaho sa pinas ay traffic enforcer? At kung bakit 99.9% tatakbo si Erap bilang pangulo sa 2010? Andito lang din ako. Sa kabila ng lahat, nangangarap at nananabik din. Isang araw, di malayo ngayon, matatagpuan ko din ang puso kong umiibig sa bayan ko, nakikipaglaban ng luha at kamao sa dibdib, para sa akin at para sa aking henerasyon.

No comments:

Post a Comment